walang pamagat...

bilog ang buwan sa tanghaling tapat
dahilan ng hinagpis ay di mahagilap
abang damdamin tila naghahanap
atensyon mula sa pusong apuhap

matamlay na mata'y nais ang iyong ngiti
tamad na katawa'y gusto kang katabi
atensyon ang nais ng kunwari'y api
ng iyong kawalan sa maikling sandali.

banayad mong haplos sa puso'y umuukit
kahit na kamay ko lamang ang iyong kapit
anghel ka bang dinadala ako sa langit
tuwing nakakulong ako sa iyong bisig?

sintunado mong tinig ay kaysarap ding pakinggan
lalo't inaawit mong ako'y iyong mahal
isaliw pa natin ang puso nating tumitibok
na kumokoro sa bawat ritmo't tunog

lilipas ang araw at magdadapit-hapon rin
lalamlam ang paligid, lilitaw ang mga bituin
buwang ulila magkakaron rin ng kapiling
tulad kong nag-aabang ng iyong pagdating.

gitara

Malamig ang dampi ng hangin sa aking pisngi.
Musika ng iyong gitara nanatili sa pandinig.
Hay, tila kaysarap humimbing,
habang sa iyong balikat ako ay nakapaling.
 
Umaawit ang mga ibon kasabay ng iyong gitara.
Tahimik ang ilog at ang mga isda.
Mga daho'y wumawasiwas, tila nakikisaliw,
Sa pagtipa ng iyong musika para sa akin.
 
Kaygandang pagmasdan ang malamlam na liwanag
Ng papalubog na araw, tinatago ng mga ulap.
Siya rin kaya'y nakikinig,
sa saliw ng musika ng pag-ibig?
 
Musika ng gitara mo'y kay sarap pakinggan.
Tila humahaplos sa puso kong nagmamahal.
Hiling ko lamang, aking giliw, sana ay pakinggan
Himig ng aking puso, nais ay ikaw.

Para kay HBW

Bakit nga kaya,
di binigyan ng mga paa
ang panulat
upang ilahad ang sarili nyang nais?

bakit nga kaya, wala syang karapatan
na isigaw ang kalayaan
na isigaw ang nararamdaman?

bakit nga kaya
may kum0k0ntrol
sa kanyang galaw
at hindi sya mapag-isa?

hindi ba nila alam
na ang panulat din
ay may damdamin?
na nais ilahad, ipalaganap?

di ko lubos maisip
naaawa ako sa ballpen ko
naiinis ako sa sarili ko..
wala syang kalayaan...

tulad ko...

Papel at Panulat

Blangko ang papel
naghihintay ng tugon sa mahal na panulat
tulad ng isang pusong tigang sa pagmamahal
naghihintay, naghihintay.

Panulat ay sumayaw
kinausap ang papel na nananabik
tulad ng isang pusong hanap ay isang pagsinta
nananabik, nananabik.

Ngunit, panulat lamang ay tumula
sa ibang iniibig siya ay lumuha
habang ang papel sa loob ay nagdurusa
lumuluha, lumuluha.

Tulad ng isang pusong sawi sa pag-ibig
naghihintay,
nananabik,
lumuluha.